71-anyos lola nalasog sa sagasa

CAVITE, Philippines — Bali ang paa at hindi na naisal­ba pa sa pagamutan ang isang 71-anyos na lola matapos na masalpok ng isang motorsiklo habang tumatawid sa kahabaan ng Sta. Rosa-Pasong Langka Road, bayan ng Silang, sa lalawigang ito, kamakalawa ng gabi .

Kinilala ng pulis­ya ang biktima na si Teresita Miranda, residente ng Barangay Pasong Langka, Silang, Cavite.

Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-7:30  ng gabi habang tumatawid ang biktima nang matumbok ito ng motorsiklo na Yamaha Nmax (5930 MQ) at minamaneho ng isang Bernard Mendez Ilao, 51-anyos at residente ng Brgy. Sambungan, Calatagan, Batangas.

Sa lakas ng impact, tumilapon ang biktima at nabali ang paa nito. Agad naman siyang naitakbo sa pagamutan subalit nasawi habang nilalapatan ng lunas.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang nasabing rider.

Show comments