Krimen sa Romblon bumaba ngayong 2022, pero mga 'manyak' patuloy sa pag-atake

In this photo posted on June 30, 2022, police personnel clean up along the shore of Banton, Romblon.
LGU Banton Facebook page

ROMBLON, Philippines (Romblon News Network) — Bumaba ang mga naitatalang krimen sa buong probinsya ng Romblon mula Enero hanggang Nobyembre ngayong taon kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Ito ang iniulat sa isinagawang press briefing ng liderato ng Romblon Police Provincial Office nitong Biyernes, December 2.

Ayon sa ulat ni Police Col. Jonathan Paguio, provincial director ng Romblon PPO, bumaba sa 325 ngayong 2022 ag crime volume mula sa 387 noong nakaraang taon. Sa naitala, 67 rito ang tinatawag nilang index crime.

Bagamat bumaba, sinabi ni Paguio na sa 67 na index crime, 28 rito ay kaso ng rape, pinakamataas sa lahat ng naitalang index crime ng mga kapulisan.

Paliwanag pa ni Paguio, pinakamaraming naitalang kasong rape ay sa bayan ng Romblon at Santa Maria. Sa mga nabiktima ng rape, 21 rito ay minor habang pito naman ang 18 taong gulang pataas.

Kahit na pinakamarami ang naitalang rape cases sa index crime ngayong taon, sinabi ni Col. Paguio na mas mababa ang 28 kasong naitala ng probinsya kumpara sa 34 noong 2020 at 47 noong 2021.

Paliwanag nito, isa sa mga posibleng nagiging dahilan ng mga insidente ng panggagahasa ay ang madalas na pagtutok sa social media ng mga mapupusok ang loob.

 

--

Romblon News Network is a regional partner of Philstar.com. 

Show comments