MANILA, Philippines — Nakahahanap pa rin ng mga biktima ng nagdaang bagyong "Paeng" sa Lungsod ng Biñan, Laguna hanggang sa ngayon — ang problema, nabubulok na ang bangkay ng nabanggit matapos ang halos 20 araw na pagkawala.
Ito ang ibinahagi ng City Disaster Risk Reduction Management Office, Huwebes, matapos ang pagsusumikap ng kamag-anak ng pumanaw.
"[M]alungkot naming ipinapaalam na nakita na ang isa sa mga biktima na nahulog sa tulay ng Pragmatic na inanod ng baha at namatay noong kasagsagan ng Bagyong Paeng... natagpuan ito sa Mercedez Homes na nakaipit sa malalaking troso ng puno," sabi ng CDRRMO sa isang Facebook post kanina.
"Agad itong ipinaalam sa ating Kagarawan ng CDRRMO habang ang aming team ay nagsasagawa din ng paghahanap sa Evangelista at Perpetual Bridge."
Sa kasamaang palad, hindi pa nakikita ang batang sinasabing kasabay na nahulog ng narekober na biktima.
Matapos makita, agad na inatasan nina Operations and Warning Officer Eugene Reyes at Fire Auxiliary Chief Mar Endrinal ang mga kawani ng Water Search and Retrieval Team para maiangat nang maayos ang mga labi.
"Ang kundisyon ng bangkay ay nasa estado na ng pagkabulok kaya marahan at maingat ang paghango dito," dagdag pa ng CDRRMO.
"Hindi magiging madali ang paghahanap sa bata dahil sa kundisyon ng matanda ay mas lalo na sa supling na pangangatawan, pero hindi tayo mawawalan ng pag-asang makikita parin ito."
Lubos namang nagpaabot ng pakikiramay ang mga kawani ng DRRMO sa pangunguna ng kanilang department head na si Maria Boacua, baranggay DRRMC ng Sto. Niño at Sto Tomas kasama ang lahat ng kawani ng lokal na pamahaan ng Biñan sa pangunguna nina Mayor Arman Dimaguila at Vice Mayor Gel Alonte.
Isa ang nagdaang Severe Tropical Storm Paeng sa mga bagyong nagdulot ng pinakamalaking casualties sa Pilipinas ngayong 2022. Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, naitala na ang sumusunod:
- Patay: 162
- Sugatan: 270
- Nawawala: 29
Kaugnay nito, ibinaba na ang state of calamity sa 529 lungsod at munisipalidad sa buong Pilipinas, dahilan para magpatupad ng mga automatic price control sa mga naturang lugar. — James Relativo