MANILA, Philippines— Pumalo na sa 160 katao ang death toll sa matinding balasik sa pananalasa ng bagyong Paeng habang umaabot na sa P11.8 bilyon ang iniwan nitong pinsala sa agrikultura at imprastraktura sa bansa, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Sabado.
Sa situational report ng NDRRMC sa nasabing bilang ng mga nasawi sa bagyong Paeng, 132 dito ang kumpirmado habang 28 pa ang patuloy ang beripikasyon at hinihintay munang maisyuhan ng death certificate ng Department of Health (DOH).
Ayon sa ulat, karamihan sa mga namatay ay mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na may 64 katao dahil sa landslide at flashfloods sa rehiyon partikular na sa lalawigan ng Maguindanao.
Pumangalawa naman sa rami ng death toll sa pananalasa ng bagyong Paeng ay ang Western Visayas na may 37 kataong nasawi; CALABARZON na nasa 33 namang bilang ng mga namatay.
Sa kasalukuyan, 29 pang katao ang missing habang 146 ang iniulat na nasugatan sa paghagupit ng kalamidad.
Samantala, mahigit P11.8 bilyon ang iniwang pinsala ni Paeng sa agrikultura at imprastraktura sa buong bansa. Nasa P6,397,456,211 halaga ng pananim ang nawasak habang P5,435,525,437 sa imprastraktura kasama na ang mga school buildings, kalsada, at tulay ang nawasak sa delubyo ng kalamidad.
Nasa 5 410,106 katao ang naapektuhan ng pananalanta ng bagyong Paeng kung saan nasa 25,672 indibiduwal ang patuloy na kinakanlong sa mga evacuation centers. Nasa 36 pang mga lugar ang walang linya ng komunikasyon at 24 naman ang wala pa ring elektrisidad.