2 lalaki nalunod sa tangkang pagsagip sa batang babae at kasama

MASINLOC, Zambales, Philippines — Dalawang lalaki ang nalunod matapos sagipin ang 9-anyos na batang babae at kasama nitong lalaki na tinangay ng malaking alon sa baybayin noong araw ng Undas.

Kinilala ang dalawang nasawi na sina Pablo Roque Jr., 47;at Lorenzo Alvarez, 29.

Sa ulat bago ang insidente ay nakita ng dalawang nasawi ang batang babae at kasamang lalaki na naglalaro sa dalampasigan ng dagat sa Barangay Bani nang bigla na lamang lumaki ang alon at tinangay ang dalawa.

Agad na lumangoy si Alvarez habang si Roque naman kasama ang ibang rescuers na itinulak ang bangka sa dagat na gagamitin sa pagsagip sa dalawang tinangay ng alon.

Sa kasamaang palad ay kapwa nagkaroon ng muscle cramps sina Alvareza at Roque at maging sila ay tinangay din ng malakas na alon.

Nailigtas naman ng ibang rescuers ang batang babae at kasama nitong lalaki,subalit nabigo na mailigtas sina Alvarez at Roque.

Nitong Nobyembre 2 ng umaga ay natagpuan ang bangkay ni Alvarez sa baybayin ng Barangay North Poblacion habang si Roque ay natagpuan kahapon ng umaga sa isang beach sa Barangay Bani ng bayang ito.

Show comments