LUCENA CITY, Philippines — Hindi na madaanan matapos gumuho hanggang tuluyang lamunin ng tubig-baha ang pangunahing tulay na nag-uugnay sa San Juan, Batangas at sa mga bayan ng Sariaya at Candelaria sa lalawigan ng Quezon sa kasagsagan ng panglimang landfall ng bagyong Paeng, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Quezon Governor Dra. Helen Tan, ang Bantilan Bridge na may habang 63 linear meter ay orihinal na itinayo noong 1950 na gawa sa mga steel truss at sumailalim na rin sa madaming rehabilitasyon.
Maagang tinungo ni Gov. Tan ang Barangay Bantilan sa Sariaya, Quezon kahapon at inalam ang sitwasyon sa bumigay na tulay at natuklasang pati ang kalapit na hanging bridge ay tinangay din ng nagngangalit na baha habang nananalasa ang bagyo.
Nakipag-ugnayan na ang gobernador sa Department of Public Works and Highways (DPWH) 2nd Engineering District sa posibleng muling pagsasagawa ng bagong tulay.
Batay sa ulat ng Barangay Bantilan at lokal na pamahalaan ng Sariaya, bumigay ang pundasyon sa gitna ng nasabing tulay matapos ang matinding pagragasa at mabilis na pagtaas ng lebel ng tubig sa ilog.
Ayon kay Kapitan Barok Umali ng Brgy. Bantilan, nasa labingtatlong kabahayan ang naapektuhan matapos kasamang gumuho ng tulay at tangayin ng tubig, 10 rito ay mula sa Sitio Paradahan at tatlo naman mula sa Sitio Ginting.
Bukod sa naturang tulay, nasira rin ang hanging bridge patungong Sitio Sintorisan sa nasabing barangay kung saan 50 kabahayan ang apektado.