CAVITE, Philippines — Halos maputol ang balikat ng isang lalaki makaraang palakulin ng kaniyang kumpare matapos mahuli nito sa aktong nakikipagtalik sa kanyang kinakasama sa kanilang mismong bahay, kahapon ng madaling araw sa Barangay Anuling Cerca, bayan ng Indang.
Nasa malubhang kalagayan sa pagamutan ang napalakol na si Edgar Dayaganon Endozo, 31-anyos, magsasaka at residente ng nasabing lugar.
Hawak naman ng pulisya ang suspek na nakilalang si Samuel Dalaguit Valdueza, 29-anyos, magsasaka at residente ng Victim’s House, Gatpandan St, Brgy. Anuling Cerca 2, Mendez, Cavite.
Sa imbestigasyon ni Police Sergeant Mark Lester Anacan, may hawak ng kaso, ala-1:30 ng madaling araw habang natutulog si Valdueza nang magising nang makaramdam na naiihi. Agad siyang nagtungo ng banyo subalit bumulaga umano sa kanya ang aktong pagtatalik ng kaniyang kinakasama at ng biktimang kasamahan sa pagsasaka.
Dito na nawala sa sarili si Valdueza at nadampot ang palakol saka nito sinibak ang biktima na tumama sa balikat.
Nabatid na bago ang insidente, nag-inuman sina Valdueza at kumpare nitong si Endozo sa bahay ng una. Dahil sa nalasing si Endozo, minabuti ng kumpare nito na patulugin na lamang niya sa terrace ng kanyang bahay.
Napag-alaman na ang suspek din ang nagdala sa biktima sa Ospital ng Tagaytay bago ito sumuko sa pulisya.