CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Naaresto na ang suspek sa pagpatay sa kanyang mismong live-in partner sa Brgy. Tranca, Bay, Laguna, sa inilunsad na hot pursuit operation ng mga miyembro ng Bay Municipal Police Station sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Huwebes.
Ang suspek na nahaharap sa kasong murder ay kinilalang si Ramy Maderse Dago, 47, tubong Janiway, Ilo-Ilo.
Inamin na umano ng suspek na siya ang responsable sa pagkamatay ng kanyang kinakasama na si Elenita Fajardo Yamasaki, 52, na kakauwi lang mula sa Japan noong Setyembre 29.
Ayon sa pulisya, agad na tumakas si Dago sa pinangyarihan ng krimen bitbit ang baril na ginamit sa pagpatay sa kinakasamang si Yamasaki matapos niyang pagbabarilin sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Hindi nag-aksaya ng panahon ang awtoridad nang matanggap ang ulat na nagtago ang suspek sa bahay ng kapatid nito sa Mabalacat, Pampanga kaya agad na naglunsad ng manhunt operations.
Matapos ang sunud-sunod na pag-uusap, nagawang kumbinsihin ng mga pulis ang kanyang kapatid na isuko ang suspek.
Inamin ng suspek na napatay niya ang biktima nang magkaroon sila ng mainitang pagtatalo hanggang sa pagbbabarilin niya ang ginang.
Natukoy ng pulisya na selos ang motibo ng insidente.
Narekober mula sa suspek ang anim na unit ng cellphone at dalawang charger ng biktima nang siya ay maaresto.