Sa mismong ‘World Teachers’ Day’
CLAVERIA, Masbate, Philippines — Karumal-dumal na kamatayan ang sinapit ng isang dalagang guro matapos siyang paghahatawin ng matigas na bagay nang manlaban habang tinatangkang gahasain ng isang lalaki sa loob ng inuupahang kuwarto nito sa Sitio Bodega, Brgy. Pasig ng bayang ito, sa mismong “World Teachers Day”, kahapon ng umaga.
Duguan at basag ang ulo nang matagpuan ng kanyang kapwa guro ang biktimang si Jessica Belches Mangubat, 24-anyos, residente ng Brgy. Manapao, Claveria, guro ng San Ramon Institute.
Agad namang naaresto sa hot pursuit operation ng pulisya ang suspek na nakilalang si Alvin Errero Yanzon, 30-anyos, binata, construction worker at residente ng Purok-2, Brgy. Pasig ng naturang bayan.
Sa ulat, dakong alas-10 ng umaga, pinasyalan ng kanyang kapwa guro na si Marlon Basangan Rom ang biktima pero nagulat siya nang makitang patay at duguan na ang biktima sa loob ng inuupahang kuwarto nito sa bahay na pag-aari ng isang Luis Ramirez.
Natagpuan pa sa lugar ang isang duguang puting t-shirt at 14 inches na “wooden axe handle” na may dugo.
Sa imbestigasyon ng mga rumespondeng pulis at sa tulong ng mga testigo, natukoy ang suspek na si Yanzon na siyang pumasok sa kuwarto ng biktima.
Pinaniniwalaang sinubukan nitong gahasain ang guro pero nang pumalag ay pinaghahataw ng maso sa ulo na sanhi ng kanyang pagkasawi.