MANILA, Philippines — Patay noon din ang 50-anyos na barangay kagawad matapos pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang salarin sa Rosario, Batangas, kamakalawa ng umaga.
Ang biktima na nasawi dahil sa mga tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay nakilalang si Ismael Rosales, isang negosyante, tubong Brgy. Del Valle, San Antonio, Quezon at kagawad ng Brgy. Salao.
Batay sa report ng Rosario police, alas-7:00 ng umaga ay nakikipag-usap ang biktima sa kanyang tiyo sa harap ng tindahan nang lapitan ng mga suspek at pagbabarilin.
Nang bumagsak ang biktima ay mabilis na tumakas sakay sa naghihintay na motorsiklo.
Subalit, nasira ang kadena ng motorsiklo kaya napilitan itong iwanan ng mga suspek.
Narekober sa crime scene ang 4 na basyo ng kalibre 45 baril.
Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa krimen at kung sino ang mga suspek.
Tinutunton na rin ng mga otoridad kung sino ang may-ari sa naiwang motorsiklo.