‘Yes’ vote, wagi sa plebisito
CALACA, Batangas, Philippines — Nagbunyi ang mga taga-Calaca matapos na pormal na maideklara na ika-limang siyudad ang kanilang bayan nang manalo ang “Yes” vote sa katatapos na plebisito sa lalawigang ito kamakalawa.
Lumabas sa opisyal na resulta ng Commission on Elections (Comelec) na 29,424 residente ang bumoto ng “Oo” habang 3,781 ang bumoto sa “Hindi” mula sa katanungang -- “Pumapayag ka ba na ang munisipalidad ng Calaca ay gawing isang lungsod ng probinsya ng Batangas na kikilalanin bilang lungsod ng Calaca alinsunod sa Batas Republika bilang 11544 na kilala rin bilang charter of the city of Calaca.
Nabatid na mahigit 50 porsyento ng populasyon ng mga botante ng Calaca ang lumabas upang bumoto sa 37 na itinalagang polling centers nitong Sabado sa kabila ng banta ng malakas na pag-ulan dala ng Habagat at sa paghagupit ng bagyong Henry.
Dahil dito, ang Calaca ang naging kauna-unahang lungsod sa unang distrito ng Batangas at panglima sa buong lalawigan kasunod ng Lipa, Batangas, Tanauan at Sto. Thomas.
Naging saksi sa proklamasyon sina Comelec Chairman George Erwin Garcia, Commissioner Aimee Ferolino, Mayor Nas Ona, First District Rep. Eric Buhain, ang kanyang maybahay na si dating Rep. Eileen Ermita-Buhain at iba pang lokal na opisyal.
Sinabi ni Calaca Police officer-in-charge P/Lt. Col. Willy Salazar sa isang press statement na naging matagumpay ang isinagawang plebisito dahil ginawa ito sa isang mapayapa at maayos na paraan.
Noong May 26, 2021, nilagdaan ang noon ay Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11544 for sa conversion ng Calaca patungo sa isang component city.
Ang Calaca na matatagpuan may 116 km mula sa Maynila, ay dating baryo at bahagi ng Balayan bago ito opisyal na ginawang bayan noong May 10, 1835.
Ayon sa census noong 2020, ang Calaca ay may populasyon na 87,361 katao, at may sukat na 114.58 km kuwadrado.
Sinabi ni Mayor Ona na mas mabilis na ngayong mararamdaman ang pag-unlad ng Calaca dahil isa na itong ganap na lungsod.