MANILA, Philippines — Kaunus-lunos ang sinapit ng isang 36-anyos na barangay tanod matapos madaganan ng pinuputol nitong puno ng niyog sa isang liblib at bulubunduking lugar ng Macrohon sa Southern Leyte nitong Biyernes ng hapon.
Kinilala ang nasawing biktima na si Evangel Amper, residente at tanod sa Brgy. Sto Niño, Macrohon, Southern Leyte.
Sa report ng Police Regional Office (PRO) 8, naganap ang insidente ng tanghaling tapat sa Brgy. Sto Niño.
Ayon sa pahayag ng kaniyang pamilya, matapos mananghalian bandang alas-12 ng tanghali ay nagpahinga sandali ang biktima hanggang sa magpaalam na para mamutol ng puno ng niyog.
Habang namumutol na ng puno ang kagawad ay biglang tumama ang naputol nitong puno ng niyog sa kanyang ulo.
Sa tindi ng pagbagsak ng puno, nadaganan ang biktima na bumagsak sa lupa at agad tumirik ang kanyang mga mata.
Nagresponde ang mga kasapi ng Emergency Rescue Department ng Macrohon sa nasabing lugar subalit naabutang patay na ang biktima sanhi ng internal hemorrhage.