MANILA, Philippines — Dalawang sundalo ang patay matapos makasagupa ang Communist Terrorist Groups (CTG) habang nagsasagawa ng focused military operation kamakalawa sa tri-boundary ng Kalinga-Apayao at Abra.
Kinilala ang mga nasawi na sina 2nd Lt. Nasser Dimalanes at Pfc. James Fontanilla Jr., kapwa miyembro ng Scout Platoon ng 98th Infantry Brigade, 5th Infantry Division.
Sa report, naganap ang sagupaan sa boundary ng Barangay Katablangan, Conner, Apayao at Sitio Binwan, Barangay Lenneng, Kabugao, Apayao. Nagsasagawa ng operasyon ang tropa ni Dimalanes sa nasabing lugar nang makasagupa nila ang may 15 kasapi ng CTG sa ilalim ng Komiteng Larangang Guerilla (KLG) North Abra.
Tumagal ng 20-minuto ang palitan ng putok na ikinasawi ng dalawang sundalo habang mabilis na tumakas ang teroristang grupo.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang hot pursuit operation ng militar at inalerto na rin ang lahat ng kanilang unit sa lugar para sa ikadarakip ng mga bandido. Maging ang pagsasagawa ng checkpoint sa mga lugar na posibleng daanan ng mga armadong grupo ay hinigpitan na rin.