LUCENA CITY, Quezon, Philippines — Anim katao na mga hinihinalang miyembro ng “fake property pawning” o “bahay-sangla” scam ang naaresto ng mga otoridad sa isinagawang operasyon kamakalawa sa lungsod na ito.
Kinilala ang mga suspek na sina Jaylin Saliendra, Elizabeth Ludovice, Geoff Menes Gagan, Rowena Placing, Hideliza Bruzola, at Victoria Regalado.
Nadakip ang anim sa isang operasyong isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Quezon, 405th Regional Mobile Force Battalion at Lucena City Police.
Ayon sa pulisya, ang naturang mga suspek ay nagpanggap na mga land broker at may-ari ng mga ari-arian.
Nakaakit umano sila ng 30 indibiduwal mula sa lalawigan ng Quezon at iba pang karatig-lugar na pautangin sila ng pera gamit ang titulo ng lupa bilang collateral, ngunit peke ang ginamit nilang mga titulo at dokumento.
Kasalukuyang nasa field office ng CIDG-Quezon ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Article 315 in relation to Article 172 of Revised Penal Code o estafa through falsification of public documents.