BALUD, Masbate, Philippines — Bulagta ang isang 50-anyos na mister matapos pagbabarilin sa tabi mismo ng kanyang misis sa Brgy.Danao,Balud ng lalawigang ito kamakalawa ng tanghali.
Dead-on-the-spot dahil sa tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na kinilalang si Vicente Balasabas Borres,residente ng naturang lugar.
Sa ulat, alas-12:30 ng tanghali habang magkatabing nakaupo ang biktima at asawang si Estela sa harap ng isang tindahan sa tabi ng kalsada nang biglang dumating ang tatlong hindi nakilalang suspek na lulan ng dalawang motorsiklo.
Sa hindi malamang dahilan ay walang kaabug-abog na pinagbabaril ang biktima na agaran nitong ikinasawi.
Mabilis na nakatakas ang mga suspek bago pa dumating ang mga rumespondeng pulis at nakuha sa lugar ang siyam na basyo ng bala ng Kalibre 45 at dalawang basyo mula sa bala ng Kalibre 9mm na barill.