MANILA, Philippines — Isang sundalo ang patay habang limang iba pa ang sugatan, nang masabugan ng landmine kamakalawa ng umaga sa Catubig, Northern Samar.
Agad na nasawi ang isang sundalo na hindi pa pinangalanan habang dinala naman sa Eastern Visayas Medical Center ang mga sugatan para lapatan ng lunas.
Ayon kay Capt. Ryan Layug, ng 8th Infantry Division Philippine Army, dakong 9:25 ng umaga ay nagsasagawa ang grupo ng Community Support Program (CSP) ng combat patrol sa Barangay Osang, Catubig Northern Samar nang biglang may sumabog.
Nanawagan naman ang militar sa Commission on Human Rights dahil sa patuloy na paglabag ng Komunistang NPA sa International Humanitarian Law Ottawa Convention o Mine Ban Treaty.
Batay sa batas, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit, pag-iimbak, paggawa, at pagbiyahe ng mga Anti-personnel mines.