TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Isang babaeng lider ng Communist Terrorist Group (CTG) ang naaresto sa ikinasang pagsalakay ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya sa Barangay Bulala, Camalaniugan ng lalawigang ito, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ni Army Captain Ringor Pamittan, hepe ng Public Affairs Office ng 5th Infantry Division (5ID) ang nadakip na rebelde na si Rosielyn Simeon alyas “Jinky”, 34, miyembro ng Executive Committee ng Giyang Pulitikal, at nagsisilbi rin na medic at armorer ng komunistrang grupong New People’s Army (NPA).
Ang matagumpay na pagkakadakip kay Semion ay isinagawa ng mga operatiba ng 77th Infantry Battalion ng Philippine Army at Camalaniugan Police sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Edmar Pascual Castillo Sr. ng Regional Trial Court, Branch 11 ng Tuao, Cagayan na inisyu noong Disyembre 14, 2021.
Nahaharap si Simeon sa kasong “Illegal Possession, Manufacture, at Acquisition of Firearms, Ammunition, or Explosives” at walang inirekomendang piyansa ang korte sa kanyang pansamantalang paglaya.
Narekober mula sa amasona ang tatlong cellphone, apat na simcard, apat na memory card, power bank, charger, notebook, flash drive, P1,000 cash at isang medical kit.