MANILA, Philippines — Nalibing ng buhay ang isang 27-anyos na ginang matapos na matabunan ng mga putik ang kaniyang tahanan na sanhi ng malalakas na pag-ulan sa Abucay, Bataan nitong Sabado ng umaga.
Sa inisyal na ulat ng Bataan Police, kinilala ang nasawing ginang na si Roselyn dela Cruz. Milagro namang nakaligtas ang dalawang batang anak nito sa insidente.
Bandang alas-8 ng umaga nang rumagasa ang mudslide sanhi ng malalakas na ulan ang tahanan ng biktima sa paanan ng bundok sa Sitio Hacienda
Nabatid na nitong Biyernes ng gabi ay sunud-sunod ang malalakas na pagbuhos ng ulan sa lugar kung saan kinaumagahan nitong Sabado ay rumagasa ang makapal na putik na tumabon sa tahanan ng pamilya dela Cruz kung saan nagkataon na nasa loob ang ginang.
Agad namang nagresponde ang rescue team ng Abucay Municipal Police Station (MPS) at ng mga miyembro ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MRDCC)
Narekober naman ang bangkay ng ginang ng rescue team matapos ang ilang oras ng retrieval operation.