MANILA, Philippines — Nasawi ang chief of police ng Lian matapos sumalpok ang kanyang minamanehong kotse sa isang 10-wheeler truck na may kargang asin habang bumabagtas sa highway ng Barangay Tulo sa Taal, Batangas kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ng Taal Police, kinilala ang biktima na si Police Major Amiel Bernardo Sanhi Jr, hepe ng Lian Police Station at idineklarang dead-on-arrival sa Batangas Provincial Hospital sa bayan ng Lemery.
Ayon sa imbestigador na si Staff Sergeant Felix Cantero, officer-in-case, si Sanhi ay nagtamo ng matitinding sugat at pinsala sa katawan na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Kusa namang sumuko sa mga awtoridad ang driver ng truck na si Salvador Segfred, 29, na nasa kustodya na ng Taal Police.
Lumalabas sa pagsisiyasat na pauwi na si Sanhi mula sa kanyang duty sa Lian nang maaksidente pagsapit nito sa Brgy. Tulo, bandang alas-12:50 ng madaling-araw.
Ang truck na may plakang ABK-1711 na minamaneho ni Segfred ay bumabagtas sa nasabing daan para mag-deliver ng mga kargang asin sa Laguna nang biglang bumunggo ang Isuzu Max (AVA 7245) ng biktima sa kanang bahagi ng likod ng truck.
Sinabi ni Cantero na ang sanhi ng aksidente ay maaaring “self accident” dahil sa madilim ang bahagi ng daan at kulang sa mga street lights. Madulas din umano ang daan dahil sa pagkabasa nito bunsod ng mga pag-uulan sa lugar. — Arnell Ozaeta