MANILA, Philippines — Naaresto ng mga pulis ang tatlong katao at nasamsam sa kanila ang nasa P5,670,000 halaga ng puslit na sigarilyo na nakasakay sa bangka sa isang anti-smuggling operation,kamakalawa ng gabi sa karagatan ng bayan ng Indanan, Sulu.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Alman Hassan, boat skipper, kanyang crew na sina Rajim Alih, at Mudzmar Habibul Ajijul.
Sa ulat, alas-9:30 ng gabi ay nagsasagawa ng maritime patrol ang mga pulis nang masabat nila ang isang bangkang de motor sa karagatan ng Barangay Kajatian na may kargang 189 kahon ng ibat ibang uri ng brand ng sigarilyo na aabot sa halagang P5,670,000 milyon at kinumpiska rin ang ginamit nitong bangka na 95 horsepower engine na nagkakahalaga ng P500,000.
Nabatid na patuloy ang mga police authorities sa Western Mindanao ang kampanya laban sa smuggling na may koordinasyon sa Bureau of Customs (BOC) kasunod ng walang humpay na cigarette smuggling activities kahit na marami nang naaarestong smugglers.