IROSIN, Sorsogon, Philippines — Bulagta sa ibabaw ng kanyang minamanehong tricycle ang isang barangay kagawad matapos pagbabarilin sa harap ng kanyang misis sa Brgy. Gabao ng bayang ito kahapon ng umaga.
Napuruhan ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan at nasawi noon din ang biktimang si Shyrma Jacob Medel, 38, residente at incumbent barangay kagawad ng Brgy. Bulawan, Irosin.
Tinutugis na ng mga pulis ang hindi nakilalang suspek na tumakas patungo sa hindi malamang direksyon.
Sa ulat, alas-8:30 ng umaga ay minamaneho ng biktima ang kanyang tricycle kasama ang kanyang misis at binabagtas ang barangay road patungo sa Maharlika National Highway nang biglang sumulpot ang hindi nakilalang suspek na armado ng hindi malamang kalibre ng baril.
Sa hindi malamang dahilan ay walang kaabug-abog na pinagbabaril ng suspek ang biktima.