MANILA, Philippines — Isang rider ang nasawi habang tatlo ang sugatan nang magkabanggaan ang minamanehong motorsiklo at kasalubong na owner-type jeep sa Antipolo City kahapon ng madaling araw.
Hindi na umabot ng buhay sa Cabading Hospital ang biktimang nakilalang si Alfredo Jose, dahil sa matinding pinsalang tinamo sa kanyang ulo at katawan, habang sugatan naman ang backrider na nakilala lang na si Rommel, at nilalapatan ng lunas sa Amang Rodriguez Hospital.
Nasugatan din ang driver ng nakabanggaan nitong owner type jeep na si Bobby Flores at ang pasahero na ina nito na si Susanita Flores, na nilapatan ng lunas sa Antipolo District Hospital.
Batay sa ulat ng Antipolo City Police, ala-1:00 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa Marcos Highway, malapit sa Galaxy Gasoline Station, Sitio Puting Bato, Brgy. Inarawan, Antipolo City.
Nauna rito, minamaneho ni Flores ang owner type jeep kasama ang ina at binabaybay ang kahabaan ng Marcos Highway, patungo sa Cogeo Gate 2, upang magdeliber ng gulay sa kanilang mga kostumer.
Pagsapit sa naturang lugar ay nakasalubong at nakabanggaan ang motorsiklong minamaneho ni Jose, patungo naman sa Boso-boso at sa lakas ng salpukan ay pawang nasugatan ang apat na katao at isinugod sa magkakahiwalay na pagamutan ngunit binawian ng buhay si Jose.
Matapos malapatan ng lunas, si Flores ay dinala ito sa Antipolo City Police Station para sampahan ng kaukulang kaso.