CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Arestado ang isang 50- anyos na tricycle driver matapos mahulihan ng P374,000 ng umano’y shabu sa isinagawang drug buy-bust operation sa Block 11 ng Barangay Camp Tinio ng lungsod na ito, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/Lt. Col. Carl Omar Fiel, hepe ng Cabanatuan City Police, ang naarestong suspek na si Vladimir Garcia, alyas “Vladi”, may-asawa ng nasabing lugar.
Ayon sa ulat, ala-1:20 ng hapon noong Miyerkules ay nagsagawa ng buy-bust operation ang mga otoridad laban sa suspek at isang police poseur-buyer ang bumili sa suspek ng 2-pirasong sachet ng shabu kapalit ng isang P500 bill at 5-piraso ng P500 ‘boodle money’.
Pagkatanggap ng suspek sa bayad ay humudyat ang poseur buyer at dito sumulpot ang mga operatiba at inaresto ang suspek.
Nang kapkapan ang suspek ay nakuha sa posesyon nito ang 15 pang plastic sachet ng hinihinalang shabu na aabot sa 55-gramo ang timbang at nagkakahalaga ng P374,000 ang halaga.