MARIVELES, Bataan, Philippines — Nilamon ng naglalagablab na apoy ang isang pagawaan ng mga luxury bags na nasa loob ng Freeport Area of Bataan (FAB) kamakalawa ng gabi sa bayang ito.
Ayon sa ulat, pasado alas-8 ng gabi nang magsimula umano ang sunog sa DLX Factory na gumagawa ng mga luxury bags, sa ikatlong palapag ng gusali kung saan naroon ang production area nito.
Maagap namang rumesponde ang FAB Fire Department at mga kagawad ng Bureau of Fire Protection (BFP) mula sa iba’t ibang bayan sa naturang lugar.
Inaalam pa ng mga otoridad ang halaga ng pinsala sa naganap na sunog maging ang sanhi nito.
Tumagal ng dalawang oras ang sunog bago maideklarang fire out ng mga pamatay sunog.
Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.