9 crew at 14 pasahero nasagip
QUEZON, Philippines — Nalubog sa dagat ang tatlong dump truck at isang van matapos tumagilid ang isang RORO (Roll On, Roll Off) vessel na pinagsakyan sa mga ito habang 23 katao ang nasagip sa Real Port sa Brgy. Ungos, Real, Quezon Biyernes ng hapon.
Ayon sa Real Police, naka daong ang LCT Balesin cargo vessel habang nagkakarga ng mga rolling cargoes nang hindi makalkula ng crew ang balanseng bigat ng mga cargo na naging sanhi ng pagtagilid nito.
Apat na sasakyan ang tuluyang dumausdos at nahulog sa dagat.
Nakalangoy naman patungo sa ligtas na lugar ang 9 na crew at 14 na pasahero ng barko kabilang ang apat na driver ng lumubog na mga cargo truck. Wala namang nasaktan sa nangyaring insidente.
Ang naturang roro, na pag-aari ng Alphaland Balesin Island Club Incorporated, ay patungo sana sa Polilio Island nang maganap ang aksidente.
Sinubukan pa umano ni Captain Ely Gajarion na dalhin sa malalim na parte ng tubig ang roro para mabalanse pero tuluyan na itong tumagilid.
Iniimbestigahan na ng Philippine Coastguard ang insidente.
Matatandaan noong May 23, isang fast craft na M/V Mercraft 2 ang nasunog habang papalapit sa Real Port na ikinasawi ng 9 na pasahero.