Kaso ng dengue sa Cagayan Valley halos 900% ang itinaas — DOH

Litrato ng isang lamok, na kilalang nagdadala ng nakamamatay na sakit na dengue
AFP/Luis Robayo, File

MANILA, Philippines — Mas mataas ng halos siyam na beses ang bilang ng dengue infections sa rehiyon ng Cagayan Valley sa unang kalahati ng 2022 kumpara noong nakaraang taon, ayon sa Department o Health (DOH) sa Region 2.

Mahigpit na binabantayan ng DOH ang tumataas na dengue cases sa ilang probinsya lalo na't lumagpas na ito sa "epidemic threshold" sa Cagayan, Isabela at Nueva Vizcaya. Nangyayari itong panahon ng tag-ulan.

"From January to June 4 ngayon, ang kaso ng Region 2 ay umabot na ng 2,014, which is 897% higher than the previous year, which is only 202," wika ni DOH Region 2 medical officer Romulo Turingan, Miyerkules, sa panayam ng CNN Philippines.

"For now, the hospitals are still okay. We have plenty of beds ready for dengue cases."

Sa tuwing lumalampas sa epidemic threshold, labis-labis na ang bilang ng kaso ng sakit kumpara sa average na dami noong nakaraang taon, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa hiwalay na briefing nitong Martes.

Aabot na sa walong dengue-related deaths ang naitatala sa Region 2 mula Enero hanggang Mayo, dagdag pa ni Vergeire.

Kahapon lang nang iulat ng DOH-Western Visayas na tumaas ng 357% ang kaso ng dengue sa Negros Occidental sa unang limang buwan ng 2022 kumpara noong 2021.

Mula ika-21 hanggang ika-28 lang ng Mayo, nakapagtala agad ng 105 bagong dengue cases sa lugar dahilan para umabot ito sa 800 sa naturang probinsya.

Nagpapatupad ngayon "4S" strategy ang kagawaran para labanan ang lalong pagkalat ng nakamamatay na sakit: search and destroy breeding place, secure self-protection, seek early consultation at support fogging/spraying sa mga hotspot areas.

Show comments