MANILA, Philippines — Hinoldap ng mga armadong kalalakihan na nagpanggap na mga supporters ng isang opisyal ang isang Sangguniang Bayan (SB) member habang nagpupulong kaugnay ng gaganaping lokal at nasyonal na halalan sa Purok Arbor, Brgy. Malim, Tabina, Zamboanga del Sur nitong Biyernes.
Sa report ni Brig. Gen. Franco Simborio, Director ng Police Regional Office (PRO) 9, nangyari ang insidente bandang alas-10:20 ng umaga sa nasabing lugar.
Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang nagpupulong ang mga lider pulitiko at team ng tambalang Dayondon-Polayapoy nang mangyari ang insidente.
Ang pagpupulong ay isinasagawa sa bahay ni Alex Aldie Jumalon Amores, incumbent SB member ng biglang dumating sa lugar ang dalawang pickup truck, isang kulay abong Toyota Hilux at isang kulay abong Ford Ranger Wildtrack sakay ang mga armadong suspect. Nagpanggap ang mga suspek na mga supporters ng nasabing opisyal kaya nakapasok sa compound ng tahanan nito.
Si Amores ay kasalukuyang nasa likod ng kanyang tahanan ng tutukan ng baril ng tatlo sa mga suspect.
Puwersahang kinuha ng mga suspect ang belt bag ng opisyal na naglalaman ng P20,000.
Hindi pa nakuntento ay hinoldap din ng mga suspects si Jeffrey Elisino. 35, magsasaka at supporter ng nasabing mga kandidato na ikinakampanya ng kampo ni Amores.
Ang mga suspect ay mabilis na nagsitakas patungo sa direksiyon ng Brgy. Lumbia ng bayang nabanggit.