Call center agent, inaresto sa panghihipo ng 12-anyos sa jeep

Sa report ng Tanza Police, ang suspek na si John Mark Dimabayao, may-asawa at residente ng Belvedere 1 Subdivision, Brgy. Paradahan 1, Tanza ay inaresto ng mga awtoridad matapos ang insidente dakong alas-6 ng gabi noong Sabado at dinala sa Provincial Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings nitong Lunes.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Isang 33-anyos na call center agent ang ­inireklamo ng pang-aabusong seksuwal sa isang 12-anyos na batang babae at pananakit sa isa pang umaawat na pasahero sa loob ng pampasaherong jeepney sa Tanza, Cavite noong Sabado.

Sa report ng Tanza Police, ang suspek na si John Mark Dimabayao, may-asawa at residente ng Belvedere 1 Subdivision, Brgy. Paradahan 1, Tanza ay inaresto ng mga awtoridad matapos ang insidente dakong alas-6 ng gabi noong Sabado at dinala sa Provincial Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings nitong Lunes.

Si Dimabayao ay nahaharap sa kasong physical injuries at act of lasciviousness na may kaugnayan sa Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act).

Lumalabas sa imbestigasyon ni P/Staff Sgt. Josephine Tumaliuan na habang sakay sa jeepney ang batang biktima kasama ang kanyang tiya na si Jovelyn Lorenzo mula sa isang mall ng Trece Martirez patungong Tanza nang kanilang makaengkuwentro ang suspek na makailang beses umanong hinipuan ang biktima sa hita.

Sinita ni Lorenzo si Dimabayao, subalit nagalit at sinigawan pa siya ng huli saka sila pilit na pinabababa sa jeep.

Dahil dito, isang pasaherong lalaki ang sumaway sa suspek. Gayunman, imbes na makinig ay sinuntok at tinadyakan pa siya ng suspek na pasahero.

Dito, itinigil na ng driver ang kanyang jeep sa harap ng barangay hall at dinakip naman ng mga alertong tanod na sina Allan Walter Filipinas at Jeff Herrera ang suspek saka ipinasa sa Tanza Municipal Police.

Show comments