Lider ng ‘gun-for-hire’, utol timbog sa raid

Kinilala ni PRO 10 Regional Director Brig Gen. Benjamin Acorda, ang mga suspek na sina Cabantog Alompo, 46, sinasabing lider ng “Cabantog Alonto gun-for-hire syndicate”, at kapatid na si Madrigal Alompo, 41.
STAR/File

MANILA, Philippines — Arestado ang lider ng isang gun-for-hire group at kapatid nito na inuupahan umano ng mga tiwa­ling pulitiko matapos masamsaman ng malalakas na uri ng baril sa isinagawang pagsalakay ng mga tauhan ng Police Regional Office (PRO)-10 sa bayan ng Tangkal, Lanao Del Norte.

Kinilala ni PRO 10 Regional Director Brig Gen. Benjamin Acorda, ang mga suspek na sina Cabantog Alompo, 46, sinasabing lider ng “Cabantog Alonto gun-for-hire syndicate”, at kapatid na si Madrigal Alompo, 41.

Ayon kay Acorda, sa bisa ng dalawang search warrant na inilabas ng korte, nilusob ng mga tauhan ng Regional Special Operation Unit 10 ang dalawang bahay sa Purok Alompo at Alompo Compound, parehong sa Barangay Poblacion sa bayan ng Tangcal, Lanao del Norte.

Nauna rito, nakatanggap ng ulat ang pulisya hinggil sa pagtanggap ng serbisyo ng naturang grupo para sa mga tiwaling pulitiko upang gamitin sila sa pananakot at karahasan para sa darating na eleksyon sa Mayo 9 elections.

Nakuha sa nasabing raid ang mga pistol, 5.56 Bushmaster caliber rifle na may marking na Armed Forces of the Philippines (AFP), M14 rifle at iba pa, gayundin ang mga grenade launcher, mga bala at magazine.

Show comments