Tindahan nadaganan ng truck, lolo pisak

Kinilala ang biktima na si Ernesto Narvaez, residente ng Brgy. Road, Purok 2, Brgy. Punta ng nasabing lungsod.
STAR/File

LAGUNA, Philippines — Patay ang isang 69-anyos na lolo matapos madaganan ang kanyang binabantayang tindahan ng isang tumagilid na 12-wheeler truck sa Calamba City, noong Miyerkules.

Kinilala ang biktima na si Ernesto Narvaez, residente ng Brgy. Road, Purok 2, Brgy. Punta ng nasabing lungsod.

Batay sa report ng Calamba City Police, alas-6:00 ng umaga, habang nasa loob ng kanyang tindahan ang biktima na nasa gilid ng makitid na ginagawang kalye nang ipilit na idaan ng driver na si Ronel Salenga, 33-anyos ang minamanehong truck.

Bunsod nito, nahulog umano ang gulong ng truck sa kanal at dahil sa bigat ng karga nito ay tuluyan itong natumba at bumagsak sa tindahan kung saan nasa loob ang biktima.

Pinagtulung-tulu­ngang hugutin ng mga rescuer sa nawasak na tindahan ang biktima at isinugod sa Calamba City Medical Center subalit binawian din ng buhay habang nilalapatan ng lunas.

Maging ang driver ng truck ay dinala sa ospital matapos magtamo ng sugat dahil sa insidente.

Show comments