LAGUNA, Philippines — Bumagsak na sa kamay ng mga awtoridad ang limang “top most wanted persons” (MWPs) sa lalawigang ito sa ikinasang serye ng operasyon sa mga siyudad ng Calamba, San Pedro, Sta. Cruz, at sa Bay town.
Kinilala ni Laguna Police director, Col. Rogarth Campo, ang mga nadakip na MWPs na sina Modesto Bobias Jr, 73-anyos; Dave Baldemor, 29; Mark Aldrin Conception, 21; Teofilo Alcantara,42; kagawad ng Brgy. Paliparan, Calauan, Laguna, at Jesus Edora alias “Gisut”, 61.
Ayon kay Campo, si Bobias ay naaresto sa kanyang bahay sa Brgy. San Pedro, San Pablo City sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte sa Laguna sa kasong statutory rape. Siya ay nakatala bilang top 1 MWP sa San Pablo City.
Si Baldemor ay may nakabinbin namang warrant of arrest sa kasong rape sa menor-de-edad noong Marso 10, 2022, sa Regional Trial Court, Branch 33, sa Siniloan, Laguna.
Ang pag-aresto rin kay Conception sa Brgy. Masaya, Bay, Laguna ay base sa bisa ng warrant of arrest sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na inisyu noong Enero 12, 2022 ng RTC 4th Judicial Region Branch 79, sa Morong, Rizal. Siya ay nakatala bilang Top 1 MWP sa bayan ng Bay.
Ayon naman kay Lt. Col. Arnel Pagulayan, hepe ng Calamba Police, naaresto nila sa Brgy. Real St., Calamba City sina Kagawad Alcantara, nasa Top 4 MWP ng lungsod at Edora na Top 10 MWP ng Laguna Police Provincial Office.