CAVITE, Philippines — Patay ang mag-ina matapos ma-trap sa kanilang stall nang sumiklab ang sunog sa pampublikong pamilihan sa Gen. Trias City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Rohayni Alawi Lumodag, 31-anyos, tubong Lanao Del Sur at anak nitong beybi na si Raodina, 1-taong gulang; kapwa residente ng Metropolis Subdivision, Brgy. Manggahan, Gen Trias City.
Sa ulat mula sa tanggapan ni Cavite Provincial Police Office director P/Col. Arnold Abad, alas-6 ng gabi nang magsimulang sumiklab ang sunog sa Berlin Music Lounge & KTV. Dahil na rin sa lakas ng hangin, mabilis na kumalat ang apoy sa katabing stall hanggang sa tuluyang lamunin ang Genstar Wet and Dry Market.
Umabot ng mahigit dalawang oras bago tuluyang naapula ng nasa 23 fire tracks na nagtulung-tulong para sa search and rescue ng mga bktima.
Nabatid na iniwan sandali ang baby habang natutulog ang kanyang ina sa kanilang stall at lumabas lamang sandali nang sumiklab ang sunog mula sa nasabing KTV bar na mabilis na kumalat.
Tinangkang iligtas ng nasabing ginang ang kaniyang baby na pilit na bumalik sa kanilang stall subalit dahil sa lakas ng siklab ng apoy at tindi ng usok ay na-suffocate ito at hindi na nagawa pang makalabas.
Nang maapula ang sunog ay tumambad ang magkayakap na mag-ina na sunog na sunog.
Aabot naman sa milyun-milyong pisong halaga ng mga ari-arian ang natupok sa sunog.