MANILA, Philippines — Pagpapalakas ng kabuhayan ng mga mangi-ngisda at kanilang pamilya sa lalawigan ng Cebu ang isa sa mga prayoridad ni Deputy Speaker Loren Legarda na ngayo’y nagbabalik-Senado sa ilalim ng UniTeam Alliance.
Nangako ng patuloy na suporta ang beteranong mambabatas sa dalawang-araw niyang pagbisita sa Cebu, isa sa mga lugar na hinagupit ng bagyong Odette noong nakaraang taon.
Partikular na sinadya ni Legarda ang bayan ng Lilo-an, isang fishing community na matinding tinamaan ng super typhoon.
Ani Legarda, dumapa ang kabuhayan ng mga mangingisda, magsasaka at ng kanilang mga pamilya matapos salantain ng bagyong Odette ang Cebu at malaking bahagi ng Kabisayaan.
Sakaling makabalik sa Senado, nangako si Legarda na titiyakin niyang mapopondohan ang mga programang pangkabuhayan para sa mga mangingisda na itinataguyod ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at ng Department of Trade and Industry.