MANILA, Philippines — Naaagnas na ang bangkay ng isang lolo nang matagpuan ng mga concerned citizen sa isang bangin sa Taytay, Rizal nitong Sabado ng hapon.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima na hinihinalang nahulog sa bangin at nagresulta sa pagkamatay nito.
Batay sa ulat ng Taytay Municipal Police, dakong alas-12:30 ng hapon nang madiskubre ang bangkay sa isang bangin sa JDC Compound, Melendres sa Brgy. Dolores, Taytay.
Nauna rito, nakalanghap umano ng masangsang na amoy na nagmumula sa bangin ang residenteng si Joel Mendoza kaya’t sa tulong ng kanyang tiyuhin na si Billy Mendoza ay inalam kung ano ito hanggang sa matunton nila ang bangkay ng isang matandang lalaki sa nasabing lugar.