GABALDON, Nueva Ecija , Philippines — Binawian ng buhay ang isang construction worker makaraang malunod sa malalim na bahagi ng ilog matapos na magsagawa ng outreach program ang isang grupo na mga miyembro ng simbahan sa may Sitio Pagsanghan, Barangay Pinamalisan ng bayang ito, noong Martes ng hapon.
Kinilala ng Gabaldon Police ang biktima na si Gerry Gabano, 36-anyos, binata ng Barangay Pinamalisan, dito.
Ayon sa ulat, alas-7:10 na ng gabi ng araw ding iyon nang matagpuan at maiahon mula sa malalim na bahagi ng ilog ang katawan ng biktima ng mga miyembro ng mga indigent persons (IPs).
Sa ulat, pasado alas-8 ng umaga noong Martes nang magsagawa ng outreach program ang grupo ng biktima sa IPs sa naturang lugar.
Matapos umano ang aktibidad, kumain ng tanghalian ang grupo at nagtampisaw sa malinis at malamig na ilog, bandang ala-1:30 ng hapon. Mag-aalas-6 na ng gabi habang nag-uuwian na sila nang mapansing nawawala si Gabano. Marunong naman umanong lumangoy ang biktima, bukod pa rito ay taga-roon ito na posibleng kabisado nito ang ilog.
Napagpasyahan ng ilang IPs sa lugar na tumulong sa paghahanap sa biktima hanggang sa matagpuan na wala nang buhay sa malalim na bahagi ng ilog.