Tulay bumigay, truck swak sa ilog: 4 sugatan

Sa report ng Laguna Police, kinilala ang mga biktima na sina Jieron Benlot, 34-anyos, may asawa, driver at residente ng Purok Cabalantian, Bacolor, Pampanga at mga pahinanteng sina Den Fernandez, 42, ng Pagsanjan, Laguna; Noel Clemente, 44, at Jeffrey Pinino, 29; pawang ng San Fernando, Pampanga.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Apat katao na sakay ng isang dump truck ang malubhang nasugatan makaraang bumigay ang tulay na kanilang dinaraanan sa kahabaan ng provincial road, Brgy. San Isidro, Majayjay, Laguna nitong Sabado ng umaga.

Sa report ng Laguna Police, kinilala ang mga biktima na sina Jieron Benlot, 34-anyos, may asawa, driver at residente ng Purok Cabalantian, Bacolor, Pampanga at mga pahinanteng sina Den Fernandez, 42, ng Pagsanjan, Laguna; Noel Clemente, 44, at Jeffrey Pinino, 29; pawang ng San Fernando, Pampanga.

Bandang alas-10 ng umaga habang bumabagtas ang 12-wheeler dump truck na may plakang NEJ 8022 nang pagsapit nila sa tulay ay biglang bumigay ito.

Bunsod nito, kasamang bumagsak ang truck sa ibaba at diretso sa 80-metrong lalim na ilog na ikinasugat ng mga biktima.

Ang nasabing dump truck na pag-aari ng Pocholo Hizon Construction ay puno ng kargang buhangin mula sa Bacolor, Pampanga at patungo sa bayan ng Majayjay nang maganap ang ‘di inaasahang insidente.

Agad nagresponde ang rescue team at isa-isang iniahon ang mga biktima saka isinugod sa Majayjay Medicare Hospital para malapatan ng lunas.

Show comments