MANILA, Philippines — Magkakaroon na ng sapat na suplay ng tubig ang Pangasinan makaraang lumagda sa isang concession agreement ang Manila Water Company at Provincial Government ng Pangasinan (PGP) at sariling subsidiary na Manila Water Philippine Ventures, Inc. (MWPV) para sa 25-year Bulk Water Supply Project na magkakaloob ng dagdag na 200 million liters ng tubig kada araw sa naturang lalawigan.
Ang water consortium ay naglaan ng P8 bilyon para sa 25 taong pagpapatupad ng capital expenditure programs na lilikha ng infrastructure na kukuha ng tubig mula sa Agno River gamit ang riverbank filtration technology na magpapabuti sa suplay ng tubig sa Pangasinan.
Makikinabang sa proyektong ito ang 14 na lungsod at bayan ng Pangasinan na kinabibilangan ng Villasis, Urdaneta, Malasiqui, Dagupan, Mangaldan, Sta. Barbara, Calasiao, Mapandan, Manaoag, San Carlos, Binmaley, Lingayen, San Jacinto, at San Fabian.
Pinasalamatan ni Pangasinan Governor Amado Espino ang Manila Water sa nasabing proyekto na kauna-unahan sa lalawigan. Aniya, magkakaloob ito ng maayos na suplay ng tubig sa may mahigit tatlong milyong Pangasinenses at lilikha ng dagdag na trabaho sa mga residente na may laang dagdag na pagsigla ng ekonomiya sa Pangasinan.