CAVITE , Philippines — Umabot sa 12 katao na karamihan ay mga menor-de-edad ang nabiktima ng paputok sa nagdaang pagsalubong sa Bagong Taon sa tatlong lugar sa lalawigang ito.
Sa report ng pulisya, pawang nagtamo ng sunog sa kamay, paa at katawan ang 12 biktima na nakilalang sina Jude Malayo, 25-anyos ng San Marino Salawag Dasmariñas City; batang itinago sa pangalang Crystal, 11-anyos ng Brgy. San Dionisio Dasmariñas City; Eugene Calderon, 34, ng Bautista Sampaloc 4, Dasmariñas City; isang 14-anyos na dalagita ng Brgy. Buenavista Gen Trias, isang 13-anyos ng Brgy. Pasong Camachile 2, Gen Trias City; Melojun Torino, 29, ng Brgy Buenavista Gen. Trias City, isang 9-anyos ng Brgy Malagasang 2-A Imus City; isang babaeng 9-anyos ng Malagasang 2-A Imus City; Darwin Valencia, 30, ng Brgy. Carsadang Bago 2, Imus City; binatilyong 17-anyos ng Brgy. Alapan 2- Imus City; Ronald Victa, 57, ng Brgy. Pag-Asa 3, Imus City at Peter Gabi, 32, ng Alapan 2-A, Imus City.
Sa nakalap na ulat mula sa tanggapan ni Cavite Provincial Police Office director Col. George Abad, karamihan sa mga nabiktima ay mga nanonood lamang ng mga nagpapaputok. Aksidenteng tumalsik sa mga maling direksyon ang mga ito at nasapol ang mga biktima.
Habang ang ilan naman ay mismong mga nagpaputok kung saan biglang sumabog ang mga sinisindihang Fountain at kuwitis.
Ang ilan sa mga biktima ay nagtamo lamang ng minor injuries habang ang karamihan ay maselan ang mga sugat at kinakailangang obserbahan sa pagamutan sanhi ng mga pulburang pumasok sa kanilang katawan.