Habang bumibiyahe sakay ng bus
MANILA, Philippines — Isang radio commentator na nagsisilbi ring news stringer ng isang malaking pahayagan ang inoobserbahan sa pagamutan matapos tamaan ng bala nang tambangan at pagbabarilin ng riding-in-tandem habang sakay ng isang PUV sa Urdaneta St. sa Cebu City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Police Major Edgar Labe, hepe ng Waterfront Police Station, ang biktima na si Rico Osmeña, blocktimer ng radio DYLA sa Cebu City at nagsusulat din sa pahayagang Daily Tribune.
Agad na isinugod sa ospital si Osmeña matapos na magtamo ng tama ng bala ng baril sa balikat. Sugatan din ang isa pang pasahero na hindi tinukoy ang pagkakakilanlan.
Ayon kay Labe, sakay si Osmeña ng isang minibus na kung tawagin ay BEEP dakong alas-3:30 ng hapon nang sundan at dikitan ng riding-in-tandem at pinaputukan.
Dahil dito, pinaharurot ng bus driver ang sinasakyan ng mga biktima hanggang sa makarating sila sa Barangay Mabolo, Cebu City at agad na humingi ng responde sa mga pulis.
Tinitignan pa ng mga awtoridad kung may koneksiyon sa trabaho ang ginawang pananambang kay Osmeña.
Matatandaan na nitong Disyembre 11, napatay ang reporter na si Jess Malabanan matapos ratratin sa kanyang bahay sa Calbayog City, Samar