MANILA, Philippines — Naaresto ng mga otoridad ang sinasabing lider ng isang drug group at miyembro ng Dagupion-Gamponia Criminal Group sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Pinagkawitan, Lipa City, Batangas, kahapon.
Kinilala ng Ilocos Sur Police Provincial Office (ISPPO) ang suspek na si Julius Yago y Gonzales aka “Yago”, 48, may asawa, residente ng Brgy. 10, Lipa City.
Si Yago ay lider umano ng Yago Drug Group at miyembro ng Dagupio-Gamponia Criminal Group sa Ilocos Sur.
Naaresto rin sa naturang operasyon ang kasama ni Yago na si Regina Custodio y Villa aka “Regina”, 47, may asawa, negosyante, residente ng Brgy. Pinagkawitan ng naturang lungsod.
Ang naturang buy-bust operation ay ikinasa ng pinagsanib na puwersa ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) at Intelligence Section ng Lipa CPS (lead unit), Provincial Intelligence Unit (PIU-BPPO) at PIU-Ilocos Sur PPO.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang isang kulay puting plastic bottle na may kargang 17 na heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na humigit-kumulang sa 17.10 gramo at may DDB value na P116,280.00; isang genuine money na P1,000 at 16 na P1,000 na boodle money na ginamit sa naturang operasyon bilang marked money; isang electronic weighing scale; isang cal. 45 pistol (Colt) na may magazine na kargado ng pitong live ammunitions; at isang kulay itim na sling bag.Nasa kustodya ngayon ng Lipa City Police Station ang dalawang suspek.