CABARROGUIS, Quirino, Philippines — Pansamantalang isinara ang Out Patient Department (OPD) ng Quirino Province Medical Center sa lalawigang ito matapos magpositibo ang ilang health workers sa Covid-19, ayon sa ulat kahapon.
Ayon kay Dr. Roger Baguioen, chief ng QPMC, bukod sa mga nagpositibo sa Covid-19 na kanilang mga empleyado ay naka-quarantine naman ang iba pa matapos ma-exposed sa mga ibang pasyente ng COVID-19 positive.
Sa isinagawang swab testing sa nasa 200 mga staff ng pagamutan ay lumabas na 30 sa mga health workers, na karamihan ay mga nurses, ang positibo sa nakamamatay na sakit.
Dahil dito ay pansamantalang isinara simula kahapon ang OPD upang matugunan ang mga pasyente ng Covid-19, dahil na rin sa kakulangan ng nurses.
Sinabi ni Baguioen na tumaas ang bilang ng mga pasyente ng COVID-19 sa nasabing pagamutan kasabay ng biglang pagtaas ng kaso sa buong lalawigan sa mga nakalipas na mga araw.
Ayon sa Department of Health, lahat ng anim na mga bayan na bumubuo sa lalawigang ito ay inihayag na nasa high risk epidemic dahil sa mataas na kaso ng COVID-19.