MANILA, Philippines — Anim na miyembro ng isang pamilya ang patay kabilang ang apat na menor-de-edad nang makulong sa nasusunog nilang bahay kamakalawa ng hapon sa Arlington Pond, Brgy. Sta. Cruz, Cebu City.
Kinilala ng Cebu City Fire Department ang mga nasawing biktima na sina Dan Henry Carvajal, 3; Andre Carvajal, 6; Felicity Sachi Carvajal, 12; Lyka Carvajal, 16, at si Hannah Mae Carvajal, 34, habang kinikilala pa ang pang-anim na bangkay na narekober at patuloy na hinahanap ang isa pang nawawawala.
Sugatan naman ang dalawang bumbero at isang sibilyan nang rumesponde sa nasabing sunog.
Ayon kay Brgy. Capt. Jerome Lim, ng naturang barangay, narekober ang mga bangkay na magkakayakap at pinaniniwalaang na-trap sa loob ng nasusunog na bahay.
Lumilitaw sa pagsisiyasat ni F02 Fulbert Navarro ng Bureau of Fire Protection na naganap ang sunog dakong alas-2 ng hapon at naideklarang fireout dakong alas-3:41 ng hapon.
Dahil gawa sa light materials, mabilis na kumalat ang apoy at hindi na nakalabas pa ng bahay ang mga biktima.
Hinihinalang “electrical faulty wiring” ang sanhi ng sunog dahil bago kumalat umano ang apoy ay nakarinig pa ang mga residente ng mga pagsabog. Hindi na nakuhang makalabas ng mga biktima dahil sa naka-lock ang mga pinto ng kanilang bahay.
Nabatid na nadamay ang 9 pang kabahayan na nilamon ng apoy at tinatayang nasa P11 milyong halaga ng ari-arian ang napinsala.
Nabatid na nasa evacuation center na ang anim na pamilyang naapektuhan ng sunog.