DEL GALLEGO, Camarines Sur , Philippines — Nagkalasug-lasog ang 78-anyos na lolo matapos mabangga ng pick-up truck ng isang sundalo sa kahabaan ng Andaya Highway sa Brgy. Comadogcadog ng bayang ito kamakalawa ng madaling araw.
Tinangka pang isugod sa Tagkawayan District Hospital sa Tagkawayan, Quezon pero idineklarang dead-on-arrival ang biktimang si Domingo Secretario Rellama, alyas “Mang Inggo”, residente ng Brgy. Cabasag dahil sa grabeng pinsalang inabot sa katawan at ulo.
Sumuko naman sa mga pulis ang driver ng nakabanggang sasakyan na si Army Cpl. Hermito Cado Fresco, 43-anyos, residente ng Brgy. Lobaloba, Libmanan.
Sa ulat, dakong alas-4:30 ng madaling araw habang sakay ng Nissan Navarra (ZRU-223) mula sa Tarlac patungong bayan ng Pili ang grupo ni Cpl. Fresco nang maganap ang insidente.
Habang binabagtas ng pickup truck ang kahabaan ng highway nang biglang tumawid sa kalsada ang matanda dahilan para mabangga ito.
Sa lakas ng pagkakabangga ay tumalsik ang lolo ng ilang metro at namatay noon din.