Vice mayor sa Leyte timbog sa armas at bala

Sa report ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) director P/Major Gen. Albert Ignatius Ferro, kinilala ang nasakoteng opisyal na si San Isidro Vice Mayor Isidro Balmoria, 57-anyos, biyudo at residente sa nasabing lugar.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Arestado ang isang bise alkalde makaraang mahulihan ng mga armas at bala na walang lisensya sa isinagawang pagsalakay ng pulisya sa kanyang tirahan sa San Isidro, Leyte noong Huwebes.

Sa report ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) director P/Major Gen. Albert Ignatius Ferro, kinilala ang nasakoteng opisyal na si San Isidro Vice Mayor Isidro Balmoria, 57-anyos, biyudo at residente sa nasabing lugar.

Ayon kay Ferro si Balmoria ay nasakote ng pinagsanib na elemento ng CIDG-Northern Leyte Provincial Field Unit (PFU), CIDG-Biliran PFU, CIDG Regional Field Unit (RFU)-8 at San Isidro Municipal Police sa pamumuno ni P/Col. Zacarias Noel Villegas, regional chief ng CIDG Eastern Visayas, sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Manasseh Basters ng Regional Trial Court (RTC) Branch 11 sa Calubian, Leyte dakong alas-8:45 ng umaga sa Sitio Baras, Brgy. Matu­ngao ng nasabing bayan.

Isinagawa umano ang operasyon bilang bahagi ng pinalakas na crackdown laban sa loose firearms upang hindi ito magamit sa karahasan kaugnay ng gaganaping May 9, 2022 elections.

Nasamsam mula sa opisyal ang isang cal. 45 Colt MK IV, isang cal. 380 Llama, dalawang cal 38 revolvers, isang barrel ng cal .45 at suppressor, sari-saring mga bala at magazine para sa cal. 45, isang M16 at isang 9mm pistol.

Show comments