CATAINGAN, Masbate, Philippines - Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang 77-anyos na lola matapos salpukin ng motorsiklo na minamaneho ng pinaniniwalaang lasing na rider sa tabi ng national highway ng Brgy. Curvada sa bayang ito kamakalawa ng gabi.
Namatay noon din dahil sa matinding pinsala sa katawan ang biktimang si Juleta Payao Escala, residente ng nasabing lugar.
Arestado naman ang rider na nakabangga sa lola na nakilalang si Jicsmel Nuñez Galicia, 22-anyos at residente ng Brgy. Domorog, Cataingan.
Sa ulat, dakong alas-7:30 ng gabi habang naglalakad na pauwi ang matanda sa tabi ng highway nang biglang tumbukin ng rumaragasa at walang plakang motorsiklo ni Galicia.
Halata umanong nakainom ang rider dahil sa mabilis at walang direksyong pagpapatakbo nito sa kanyang motorsiklo.
Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ng ilang metro ang biktima at agad na namatay.