TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Dalawang menor-de-edad na lalaki ang nasawi matapos malunod habang naliligo sa Cagayan River sa Barangay Centro 5 ng lungsod na ito kamakalawa.
Kinilala ang dalawang nasawi na sina Elmer Maquiniana, 13, at Kenneth Magora, 16, kapwa residente ng Taft Street sa nabanggit na lugar.
Ayon sa ulat, nagtungo umano sa ilog ang mga biktima kasama ang apat pa nilang kaibigan para maligo sa kabila ng mahigpit na pagbabawal na magtungo sa Cagayan River. Habang nasa tubig umano ang dalawa nang bigla silang lumubog at tuluyang tangayin ng malakas na agos.
Matapos ang halos dalawang oras na paghahanap ng mga rescue team, natagpuan ang dalawa sa ilalim ng tubig malapit sa mga nakalagay na crossblock ng ilog. Agad isinugod sa Cagayan Valley Medical Center ang dalawa subalit kapwa idineklarang dead-on-arrival.