NAGTIPUNAN, Quirino, Philippines — Nagkaisa ang mga lider ng ilang tribu sa pangunguna ng tribung Bugkalot para ipakita ang kanilang suporta at pagmamalasakit sa katutubong mayor ng bayan na ito kamakalawa.
Ito ay matapos na magpalabas ng 5 buwan at 15 araw na suspension order ang Sangguniang Panlalawigan (SP) laban kay Bugkalot Mayor Nieverose “Bhelot” Meneses dahil umano sa administrative offense of oppression at abuse of authority.
May karagdagan din na 5 buwan na hiwalay na suspension ang katutubong mayor dahil naman ‘di-umano sa graft and corruption (Section 3 (h) of Republic Act 3019).
Ito ay batay sa inihain na reklamo sa SP ni Loyd Lozado Toloy, municipal tourism officer ng Nagtipunan na inilipat ni Bhelot sa lugar ng kanyang trabaho noong 2019.
Batay sa testimonya ng mga Bugkalot leaders at mga opisyal ng barangay, hindi umano makatarungan ang pagsuspinde ng SP sa kanilang mayor dahil lamang sa pagdidisiplina niya sa kanyang tourism officer na nagpapabaya naman sa kanyang trabaho.
Sa ginawang pagtitipon sa Landingan View Point na dinaluhan ng halos 2,000 mga katutubo ay ibinunyag ng isang empleyado ng tourism office na hindi talaga umano sila pumapasok sa trabaho dahil sa inuutusan umano sila ni Toloy na magtrabaho sa kanyang private farm.
Inihayag ni Bhelot na naghain sila ng apela kay Pangulong Rodrigo Duterte para malaman niya ang pamumulitika na ginagawa sa kanya sa lalawigan ng Quirino.
Hiniling ni Bhelot sa pangulo na pakinggan ang pasya ng mga residente ng Nagtipunan na tunay na nakakaalam ng katotohanan at saksi sa mga pangyayari.