Mag-utol na wanted sa N. Ecija natimbog sa Navotas City

CABANATUAN CITY, Nueva Ecija , Philippines – Matapos ang apat na taong pagtatago sa batas, bumagsak sa kamay ng pulisya ang magkapatid na wanted sa kasong pagpatay sa lalawigang ito sa magkasunod na operasyon sa Metro Manila, ayon sa pulisya kahapon.

Sa ulat ni P/Col. Jaime Santos, provincial director ng Nueva Ecija Police, kay Police Regional Office 3 (PRO3) director Brig. Gen. Valeriano De Leon, nakilala ang naarestong magkapatid na sina Jonathan at Harold Arsega, kapwa taga-Brgy. Bacal 3, Talavera, Nueva Ecija.

Ang magkapatid umano ang primary suspect sa pagpatay sa isang Bobby Valiente sa Brgy. Bacal 2, Talavera noong Hulyo 1, 2017.

Unang nadakip ng mga pulis si Jonathan sa isang manhunt operation sa Brgy. San Jose, Navotas City alas-7 ng umaga noong Hulyo 17, habang si Harold ay naaresto sa Brgy. Tenajeros, Malabon alas-8:30 ng gabi ng nasabi ring araw.

Sinabi ni Brig. Gen. De Leon, ang magkapatid ay nakalista bilang #42 (Harold) at #43 (Jonathan) sa regional most wanted person ng PRO3 ngayong taon.

Naaresto ang magkapatid sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong murder na inisyu noong Nob. 22, 2017 ni RTC Branch 89 Judge Eleonor Teodora Marbas-Vizcarra, ng Baloc, Sto. Domingo, NE, at walang piyansang inirekomenda para sa kanilang pansamantalang kalayaan.

Show comments