NORTH COTABATO, Philippines — Pinagkaguluhan ng ilang residente ang isang biik na isinilang na may dalawang ulo sa Barangay Bialong, M’lang ng lalawigang ito.
Tumagal lamang ng 24-oras mula nang ipinanganak ang biik na may kakaibang kondisyon bago ito tuluyang namatay.
Kuwento ng may-ari na si Eloisa Fame Baliguat, Hulyo nang ipinanganak ng inahing baboy ang sampung biik kungsaan laking gulat nila nang makitang ang pang-apat na biik na may dalawang ulo.
Agad na inihiwalay nila ang biik at pinasuso pero nitong alas-10:00 ng umaga ng Hulyo 8, 2021 ay namatay na ang biik.
Nanghihinayang ang may-ari dahil para sa kanila ay suwerte sana ito at ito ang unang pagkakataon na may iniluwal na biik ang kanilang alagang inahin na may dalawang ulo.
Sa Siyensya, ang kondisyong ito ay tinatawag na bicephalic o ang pagkakaroon ng dalawang ulo ng ipinapanganak na hayop.
Sa kondisyong ito ay premature ang development ng naturang biik kaya lumabas itong may dalawang ulo. Maaari ring hindi akma ang dalawang genes na mula sa dalawang baboy.
Sa Pilipinas, kakaunti lang ang ganitong naitatalang kaso.