CABANATUAN CITY, Nueva Ecija , Philippines — Patay ang isang umano’y tulak ng droga habang arestado ang sampung iba sa siyam na sunud-sunod na isinagawang drug buy-bust operations ng pulisya sa lalawigang ito, noong Lunes at madaling-araw ng Martes.
Ayon kay P/Col. Jaime Santos, Nueva Ecija Police provincial director, napatay ang isang tulak ng droga na si Sotero Baer Jr., ng Brgy. Campo Tinio, Cabanatuan City at nakuha sa kanya ang humigit-kumulang 6-gramo ng umano’y shabu na may halagang P40,000 at isang caliber .38 revolver.
Nabatid na ala-1:15 ng madaling-araw ng Martes, nagsagawa rin ng buy-bust ang Lupao Police, sa pangunguna ng hepe nito na si P/Capt. Ronan James Eblahan, sa Brgy. Mapangpang kung saan nabilhan umano ng police poseur-buyer ang suspek ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu, ngunit pumalag umano ito at napatay sa palitan ng putok.
Samantala, 10 pang indibiduwal kabilang ang isang menor-de-edad ang inaresto ng pulisya sa walong magkakahiwalay na buy-bust operations kung saan aabot umano sa halagang P10,000 ng shabu at marijuana ang nasamsam sa kanila ng pulisya sa mga bayan ng Peñaranda, Sta. Rosa, Carranglan, Rizal, Jaen at Cuyapo at sa lungsod ng Palayan.
Nakilala ang mga nahuli na sina Mark Magalad, 31; Arnel Adriosula, 32, Mark Carlos Nadora, 24; Willer Buan, 31; Jayson Padrones, 35; Justin Sudio, 49; Reynaldo Manuzon, 57; Erren Tolentinio, 34; Jhay del Rosario, 29; at isang 17-anyos na binatilyo.